Nakipag-ugnayan ang Ad Hoc Joint Action Group ng Moro Islamic Liberation Front (AHJAG-MILF) sa 38th Infantry Battalion ng Philippine Army upang talakayin ang mga hakbang sa mapayapang pagresolba ng mga sigalot o rido sa ilang komunidad sa Maguindanao del Sur.
Isinagawa ang pagpupulong kahapon, Nobyembre 27 sa himpilan ng 38IB sa Sitio Landing Fish, Barangay Buayan, Datu Piang, kung saan nakipagpulong ang grupo na pinamumunuan ni Nor-Ali P. Alimada, Team Leader ng AHJAG-MILF Team Site 1, kay Acting Battalion Commander Lieutenant Colonel Mark Anthony P. Tornalejo.
Tinalakay ng dalawang panig ang mga usapin sa kapayapaan at seguridad, kabilang ang pagpapalakas ng koordinasyon at komunikasyon upang maiwasan ang paglala ng mga alitan at maisulong ang mapayapang pagkakasundo ng mga sangkot na pamilya o grupo.
Kasunod nito, nagtungo rin ang grupo kasama si 1st Lieutenant Samson P. Inocencio, Company Commander ng Charlie Company, sa Barangay Pandi sa Datu Salibo at Barangay Ganta sa Shariff Saydona Mustapha upang makipagpulong sa mga grupong sangkot sa rido at talakayin ang posibleng mapayapang pagresolba sa kanilang sigalot.
Ayon sa 38IB, bahagi ito ng patuloy nitong pakikipag-ugnayan sa mga katuwang sa kapayapaan, kabilang ang AHJAG-MILF, upang suportahan ang mga hakbangin sa pagresolba ng mga sigalot at pagpapanatili ng kaayusan at seguridad sa mga komunidad.

















