Mariing kinondena ng 6th Infantry (Kampilan) Division ang naganap na grenade attack laban sa mga tauhan ng 2nd Scout Ranger Battalion sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur ngayong Sabado, July 18.

Sa inilabas na pahayag ng 6th Infantry Division, sinabi nitong hindi katanggap-tanggap ang naturang pag-atake na isinagawa ng mga hindi pa nakikilalang suspek na sakay ng motorsiklo dahil nagdulot ito ng pagkakasugat ng dalawang sundalo at tatlong sibilyan.

Ayon sa militar, nagsasagawa lamang ng kanilang tungkulin ang mga sundalo nang mangyari ang insidente. Iginiit din nito na ang ganitong uri ng karahasan ay walang puwang sa isang lipunang nagsusulong ng kapayapaan at kaunlaran.

Pinuri rin ng 6th Infantry Division ang ipinakitang katapangan at dedikasyon ng mga sugatang sundalo sa kabila ng panganib na kanilang hinarap. Nagpaabot din ito ng pakikiisa sa mga nasugatang sibilyan at hangad ang kanilang agarang paggaling.

Kasabay nito, tiniyak ng militar na hindi nito hahayaan na maapektuhan ng naturang insidente ang pagpapatuloy ng kanilang mandato sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa rehiyon.

Nanawagan din ang 6th Infantry Division sa publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad at agad na magbigay ng anumang impormasyong makatutulong sa pagkilala at pagdakip sa mga responsable sa pag-atake.