Pormal nang sumuko sa pamahalaan ang pitong dating miyembro ng lokal na teroristang grupo sa Camp Edwards, Barangay Mirab, Upi, Maguindanao del Norte, ayon kay Lt. Col. Aeron Gumabao ng 57th Infantry Battalion.

Isinuko rin ng mga ito ang ilang kagamitang pandigma tulad ng dalawang 60mm mortars, dalawang M14 rifles, isang M79 grenade launcher, isang Cal. 30 sniper rifle (muzzle type), at isang 7.62mm sniper rifle.

Ipinrisinta sila kay Brig. Gen. Michael Santos ng 603rd Infantry Brigade sa seremonyang ginanap noong Hunyo 3, 2025, na dinaluhan din ni Maguindanao del Norte Governor Sharifudin Mastura.

Ayon kay Brig. Gen. Santos, naging susi sa matagumpay na pagsuko ang tulong ng mga lokal na opisyal, lider-komunidad, at mamamayan.

Dumalo rin sa aktibidad ang alkalde ng Upi, kinatawan mula sa MIPA, Ministry of Peace and Order, at Parliament-BARMM sa pangunguna ni Ramon Piang Sr.

Pinuri naman ni Maj. Gen. Donald Gumiran ng 6th Infantry Division at JTFC ang hakbang ng mga sumuko, at nanawagan sa iba pang rebelde na iwan ang karahasan at tanggapin ang kapayapaan.