Nasa 48 loose firearms ang boluntaryong isinuko sa bayan ng South Upi, Maguindanao del Sur sa pamamagitan ng pangunguna ng 57th Infantry Battalion, bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa armadong karahasan at para sa mas matatag na kapayapaan sa mga komunidad.
Pinangunahan ni LTC Aeron T. Gumabao ang naturang aktibidad na nagpapakita umano ng lumalakas na tiwala at pakikipagtulungan ng mga residente, lokal na pamahalaan, at mga security forces sa pagsusulong ng kapayapaan at pagpigil sa paglaganap ng ilegal na armas sa lugar.
Isinagawa ang turnover ceremony sa Municipal Gymnasium ng Barangay Romongaob, South Upi, bilang bahagi ng Small Arms and Light Weapons Management Program ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity o OPAPRU. Ito rin ang kauna-unahang implementasyon ng programa sa antas ng lokal na pamahalaan sa naturang bayan, na layong palakasin ang grassroots peacebuilding at seguridad ng komunidad.
Kasabay ng pagsuko ng mga armas, agad ding ipinamahagi sa mga benepisyaryo ang iba’t ibang livelihood at agricultural assistance kabilang ang mga baka, kambing, abono, binhi ng mais, at sako-sakong bigas upang matulungan ang mga pamilya na makapagsimula ng mas matatag at mapayapang kabuhayan.
Pormal namang itinurn-over ang mga isinukong armas kay BGEN Michael A. Santos kasama si Mayor Helen B. Padua at iba pang opisyal ng lokal at pambansang pamahalaan bilang simbolo ng pagkakaisa ng iba’t ibang ahensya sa pagsusulong ng kaunlaran, rekonsilyasyon, at pangmatagalang kapayapaan sa lalawigan.
Ayon sa militar, patuloy na pinapalakas ng Armed Forces of the Philippines, katuwang ang mga local government units, OPAPRU, at iba pang peace stakeholders, ang mga programang nakatuon hindi lamang sa seguridad kundi maging sa community empowerment, responsableng pamamahala, at pangmatagalang kaunlaran sa mga conflict-affected areas sa Mindanao.
















