Naglunsad ng motu proprio investigation ang National Police Commission o NAPOLCOM kaugnay sa viral na insidente ng pananakit umano ng isang pulis sa kanyang live-in partner sa lungsod ng Malolos, Bulacan. Ito ay matapos kumalat online ang video na nagpapakita kay Police Corporal Jerome Pingol Dela Cruz ng Malolos City Police Station habang umano’y pisikal na sinasaktan ang biktima noong Mayo 10, 2026.
Sa isinagawang press briefing sa tanggapan ng NAPOLCOM sa Quezon City, iniharap ng komisyon ang respondenteng pulis at ang biktima habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa kaso na umani ng matinding reaksyon mula sa publiko.
Ayon kay NAPOLCOM Commissioner Ralph Calinisan, agad niyang inatasan ang Inspection, Monitoring, and Investigation Service o IMIS ng komisyon upang magsagawa ng kaukulang administrative action laban sa pulis, kahit pa umatras o hindi na makilahok ang pribadong complainant sa proseso ng kaso.
Binigyang-diin din ng opisyal na walang puwang sa serbisyo ang mga miyembro ng kapulisan na sangkot sa pananakit at pang-aabuso.
Aniya, hindi dapat maging ehemplo ang naturang insidente at hindi nito kinakatawan ang kabuuan ng Philippine National Police.
Iginiit pa ni Calinisan na ang pagiging pulis ay hindi natatapos sa pagtanggal ng uniporme o pag-off duty dahil may pananagutan umano ang bawat alagad ng batas sa publiko sa lahat ng oras.
Kasabay nito, ipinag-utos din ng NAPOLCOM ang pagrerepaso sa recruitment at screening process ng mga aplikante sa Philippine National Police Academy at maging sa hanay ng non-commissioned personnel upang masiguro na may integridad, disiplina, at respeto sa karapatang pantao ang mga pumapasok sa serbisyo.
Tiniyak naman ng NAPOLCOM na patuloy nitong pananagutin ang mga pulis na masasangkot sa misconduct upang mapanatili ang integridad ng kapulisan at tiwala ng publiko sa law enforcement institutions.

















