Nasamsam ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG ang isang sub-machine gun, M1 Garand rifle, at caliber .45 pistol sa isinagawang operasyon sa bayan ng Esperanza, Sultan Kudarat.
Ayon sa ulat, isinagawa bandang alas-3:00 ng madaling araw noong Mayo 13 ang pagpapatupad ng search warrant ng CIDG Sultan Kudarat Provincial Field Unit katuwang ang mga territorial police units sa Barangay Magsaysay, na nagresulta sa pagkakaaresto sa isang 48-anyos na suspek na kinilalang si alias “Bert.”
Bukod sa tatlong loose firearms, nakumpiska rin ng mga awtoridad ang ilang magazines at samu’t saring live ammunition mula sa suspek.
Batay sa imbestigasyon, wala umanong kaukulang permit, lisensya, o awtoridad ang suspek para magmay-ari at magtago ng naturang mga armas, dahilan upang maharap ito sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Ang operasyon ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng CIDG sa ilalim ng OPLAN PAGLALANSAG OMEGA, alinsunod sa direktiba ni Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr. laban sa paglaganap ng loose firearms sa bansa.
Pinuri naman ni PMGEN Robert A.A. Morico II ang CIDG Regional Field Unit 12 sa pangunguna ni PCOL Annie U. Mangelen, gayundin ang CIDG Sultan Kudarat PFU na pinamumunuan ni PMAJ Jasper Benedict P. Santos, dahil sa matagumpay na pagkakasamsam ng mga hindi lisensyadong armas.
Ayon pa sa CIDG, patuloy nilang paiigtingin ang kampanya laban sa loose firearms, gunrunning syndicates, at gun-for-hire groups upang mapanatili ang kapayapaan at maiwasan ang karahasan sa mga komunidad.
















