‎Isa ang kumpirmadong nasawi habang pito (7) ang sugatan sa isang insidente ng umano’y iligal na drag racing na kinasangkutan ng mga kabataan sa Barangay Poblacion, Ampatuan, Maguindanao del Sur, Sabado ng gabi, Agosto 2, 2025.‎‎

Batay sa inisyal na ulat ng mga otoridad, naganap ang aksidente nang magsalpukan ang ilang motorsiklo matapos tumama sa isang payong-payong (tricycle-like vehicle) habang patuloy na nagsasagawa ng karerahan sa kalsada.‎‎

Sa lakas ng salpukan, isang rider ang nasawi sa mismong pinangyarihan ng insidente sanhi ng matinding pinsala sa ulo.

Samantala, dinala naman sa ospital ang pitong iba pa, kung saan ilan sa kanila ay nasa kritikal na kondisyon.‎‎

Makikita sa mga larawang kuha mula sa lugar ang matitinding pinsala sa mga motorsiklo, indikasyong mabilis ang takbo ng mga ito nang maganap ang insidente.‎‎

Patuloy na isinasagawa ng PNP Ampatuan ang imbestigasyon upang matukoy ang mga sangkot at upang malaman kung may pananagutan ang ilang indibidwal sa insidente.