Binawian ng buhay ang isang senior citizen matapos umanong uminom ng ‘Miracle Coffee’ bago makipagtalik sa isang motel sa Canelar Moret, Barangay Canelar, Zamboanga City, nitong Biyernes ng gabi, Setyembre 26, 2025.

Kinilala ng mga awtoridad ang biktima na si Julakmad Julkanain Lawama, 74-anyos, biyudo at residente ng Barangay Lunzuran sa naturang lungsod.

Batay sa ulat ng Zamboanga City Police Station 11 (ZCPS11), nakatanggap sila ng tawag sa 911 dakong alas-7:10 ng gabi hinggil sa isang lalaking nawalan ng malay sa loob ng nasabing motel.

Agad rumesponde ang mga pulis at nadatnan ang senior citizen na wala nang malay at hindi na gumagalaw.

Isinugod pa ang biktima sa Zamboanga City Medical Center (ZCMC), subalit idineklara na itong Dead on Arrival (DOA) ng mga doktor dahil sa cardiac arrest.