Nagbalik-loob ang walong dating kasapi ng Violent Extremist Group (VEG) sa pamahalaan at boluntaryong isinuko ang walong matataas na kalibreng baril sa isinagawang Balik-Loob Program ng 90th Infantry (BIGKIS-LAHI) Battalion sa Brgy. Kabengi, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur kahapon, Hulyo 30.
Pormal na ipinrisinta ni Lt. Col. Loqui O. Marco, Commanding Officer ng 90th Infantry Battalion, ang mga nagbalik-loob kay Brig. Gen. Edgar L. Catu, Assistant Division Commander ng 6th Infantry (KAMPILAN) Division at Commander ng 601st Infantry (UNIFIER) Brigade.
Bilang bahagi ng kanilang reintegration, tumanggap ang mga dating kasapi ng agarang cash assistance at rice assistance mula sa lokal na pamahalaan, Ministry of Social Services and Development (MSSD), at Ministry of Public Order and Safety (MPOS)-BARMM upang masuportahan ang kanilang pagbabagong-buhay at mapayapang pagbabalik sa kanilang mga komunidad.
Ayon kay Brig. Gen. Catu, ang boluntaryong pagbabalik-loob ng mga dating miyembro ng armadong grupo at pagsuko ng kanilang mga armas ay nagpapakita ng lumalakas na tiwala ng mamamayan sa mga programang pangkapayapaan ng pamahalaan. Aniya, bukas pa rin ang 601st Infantry Brigade sa mga nais magbalik-loob at hinihikayat ang iba pang kasapi ng mga armadong grupo na tahakin ang landas ng kapayapaan.
Samantala, pinuri naman ni Maj. Gen. Jose Vladimir R. Cagara, Acting Commander ng Western Mindanao Command, Commander ng 6th Infantry (KAMPILAN) Division, at Joint Task Force Central, ang 90th Infantry Battalion at 601st Infantry Brigade dahil sa patuloy na pagpapatupad ng mga programang naglalayong mapalakas ang kapayapaan sa Central Mindanao.
Sinabi ni Cagara na ang sunod-sunod na pagbabalik-loob ng mga dating kasapi ng violent extremist groups at ang pagsuko ng mga loose firearms ay bunga ng maayos na koordinasyon ng militar, mga lokal na pamahalaan, iba pang ahensya ng gobyerno, at ng suporta ng mga komunidad. Hinikayat din niya ang mga natitira pang miyembro ng armadong grupo na samantalahin ang pagkakataong magbalik-loob at isuko ang kanilang mga armas upang makapamuhay nang mapayapa kasama ang kanilang mga pamilya.
Nanawagan din si Cagara sa publiko na patuloy na makipagtulungan sa mga pwersang panseguridad upang mapanatili ang kapayapaan at matiyak ang maayos at ligtas na pagdaraos ng nalalapit na BARMM Parliamentary Elections.

















