Isang lalaki ang nasawi matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa Barangay Katibpuan, Talayan, Maguindanao del Sur, bandang 11:40 ng gabi, Sabado, Oktubre 11, 2025.
Kinilala ang biktima na si Mahdi Pal Tanto, nasa hustong gulang, walang trabaho, at residente rin ng nasabing barangay.
Ayon sa paunang ulat ng Talayan Municipal Police Station, isang tawag ang kanilang natanggap ukol sa naganap na pamamaril sa lugar. Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Talayan MPS, katuwang ang Guindulungan MPS, upang beripikahin ang ulat at tiyakin ang seguridad sa paligid.
Pagdating ng mga pulis, agad nilang sinelyuhan ang crime scene habang nagsagawa ng hot pursuit operation ang ibang kasapi ng operatiba upang tugisin ang salarin o mga salarin.
Sa isinagawang imbestigasyon, lumalabas na pauwi na sana si Tanto matapos bumili ng sigarilyo nang siya ay pagbabarilin nang walang babala ng hindi pa nakikilalang suspek. Tinamaan siya ng maraming bala sa katawan na agad niyang ikinasawi sa mismong pinangyarihan ng krimen.
Narekober sa crime scene ang labindalawang (12) basyo ng bala na pinaniniwalaang mula sa kalibreng 5.56mm na baril.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang motibo sa likod ng krimen at makilala ang mga responsable sa insidente.