Sumuko na sa mga awtoridad ang 37-anyos na driver ng itim na Toyota Hilux (DBS 9218) na sangkot sa hit-and-run incident sa Sinsuat Avenue, Cotabato City, na ikinasawi ng isang 14-anyos na binatilyo at ikinasugat ng kanyang pinsan.
Ayon sa Cotabato City Police Office (CCPO), boluntaryong isinuko ang suspek sa Police Station 1 matapos ang pakikipag-ugnayan ng pamilya nito sa mga lokal na opisyal. Dumating din sa Cotabato City si Malabang, Lanao del Sur Mayor Alinader “Dagar” Balindong upang ihatid ang driver para harapin ang imbestigasyon.
Batay sa paunang ulat, naganap ang insidente bandang alas-2:18 ng madaling araw sa tapat ng Panda Palace Hotel sa Sinsuat Avenue. Sakay ng bisikleta ang mga biktima nang mabangga sila ng naturang sasakyan, na tumakas umano matapos ang insidente. Dead on the spot ang 14-anyos na biktima habang ginagamot sa ospital ang kanyang pinsan.
Patuloy na pinag-aaralan ng CCPO ang mga ebidensya at isinailalim na sa forensic procedures ang sasakyan at ang suspek bilang bahagi ng paghahain ng kasong kriminal. Tiniyak ng lokal na pamahalaan na nakatuon ang mga ahensya sa pagtitiyak ng hustisya at pagsampa ng nararapat na kaso.


















