Inamin ng Department of Energy na malabo nang bumalik sa dating antas na humigit-kumulang P60 kada litro ang presyo ng krudo at gasolina sa bansa.

Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, malaking epekto ng tensyon at giyera sa Gitnang Silangan ang patuloy na paggalaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Paliwanag ng kalihim, naapektuhan din ang supply chain at ilang oil-related facilities na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa ganap na naibabalik sa normal na operasyon.

Dagdag pa nito, kung panandalian lamang umano ang naturang sigalot, posibleng nakapagdulot pa ito ng mabilis na stabilisasyon ng presyo. Ngunit dahil umabot na ng ilang linggo ang krisis, mas mabagal na aniya ang inaasahang pagbaba ng halaga ng petrolyo.

Gayunman, tiniyak ng DOE na tuloy-tuloy ang pamahalaan sa pagbibigay ng fuel subsidies sa mga apektadong tsuper upang maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng langis.

Bukod dito, inihahanda rin ang iba pang mga programa tulad ng discounts para sa mga jeepney drivers na posibleng ipatupad sa loob ng tatlo hanggang apat na buwan.

Patuloy namang mino-monitor ng ahensya ang sitwasyon upang makapaglatag ng mga hakbang na makakatulong sa mga motorista at sa publiko.