Arestado ang dalawang indibidwal matapos makumpiska ang tinatayang P641,760 halaga ng mga hinihinalang smuggled o untaxed na sigarilyo sa isinagawang operasyon sa Barangay Guinsang-an, Sto. Niño, South Cotabato noong Abril 18, 2026.

Ayon sa ulat, nagsagawa ng law enforcement operation ang mga tauhan ng Sto. Niño Municipal Police Station (MPS) katuwang ang South Cotabato Police Intelligence Unit (SCPIU) at ang 2nd South Cotabato Provincial Mobile Force Company (2nd SCPMFC).

Bahagi ito ng pagpapatupad ng mga lokal na ordinansa sa ilalim ng Safer City Project, gayundin ng patuloy na kampanya laban sa pagpasok ng mga ilegal na produkto tulad ng smuggled na sigarilyo, na lumalabag sa Republic Act No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act at Republic Act No. 10643 o Graphic Health Warnings Law.

Sa gitna ng operasyon, napansin ng mga pulis ang dalawang lalaki na nagtangkang tumakas nang makita ang mga awtoridad.

Agad silang sinuri, at sa isinagawang inspeksyon ay natuklasan sa loob ng kanilang tinitirhan ang ilang kahon ng hinihinalang smuggled na sigarilyo na lantad na nakikita.

Kinilala ang mga suspek sa alyas na “Sergio,” 36 taong gulang, residente ng Barangay Abaga, Balo-i, Lanao del Norte at pansamantalang naninirahan sa Barangay Poblacion, Sto. Niño, at alyas na “Boy-boy,” 40 taong gulang, residente ng parehong barangay.

Nabigo ang dalawa na magpakita ng kaukulang dokumento o pahintulot para sa pagmamay-ari at distribusyon ng mga nasabing produkto, dahilan upang sila ay arestuhin.

Nasamsam mula sa kanila ang sampung (10) kahon ng Cannon cigarettes at limang (5) kahon ng Fort Menthol cigarettes, na may kabuuang halagang P641,760.

Dinala ang mga suspek at ang mga ebidensya sa Sto. Niño MPS para sa tamang dokumentasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso. Ang mga nakumpiskang sigarilyo ay planong ipasa sa Bureau of Customs sa General Santos Port para sa wastong disposisyon.

Pinuri naman ng pamunuan ng Police Regional Office 12 ang mga operatiba sa matagumpay na operasyon, at muling iginiit ang kanilang patuloy na kampanya laban sa smuggling at iba pang ilegal na kalakalan sa rehiyon.