Nasawi ang isang 14-anyos na estudyante habang isa pa ang sugatan matapos ang isang malagim na aksidente sa kalsada na naganap bandang alas-1:10 ng hapon kahapon Abril 19, 2026 sa kahabaan ng national highway sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.

Sa ulat ng Sultan Kudarat Municipal Police Station, nangyari ang insidente sa bahagi ng Davao–Cotabato Road sa Brgy. Pigcalagan, Km 14.

Kinilala ang driver ng sangkot na sasakyan na si alyas Mtato, 21-anyos, residente ng naturang barangay, na minamaneho ang isang puting ten-wheeler mixer truck na walang plaka. Siya rin ay nagtamo ng mga sugat sa insidente.

Dead on the spot naman ang pasahero na si alyas Fahad, 14-anyos, estudyante at residente ng Barangay Pigcalagan.

Sugatan din sa insidente ang bystander na si alyas Jerick, 37-anyos.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, bumibiyahe umano ang truck mula Crossing Simuay patungong northbound nang mawalan ito ng kontrol habang binabagtas ang kurbadang bahagi ng kalsada.

Lumabas din sa paunang imbestigasyon na posibleng mabilis ang takbo ng sasakyan kaya’t sumadsad ito sa isang residential area at natamaan ang isang bystander.

Agad na isinugod sa Cotabato Regional and Medical Center ang driver at ang sugatang biktima para sa agarang lunas.

Matapos ang insidente, dinala sa himpilan ng pulisya ang sasakyan para sa kaukulang imbestigasyon at disposisyon.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.