Kusang-loob na isinuko ng ilang residente mula sa iba’t ibang barangay ng South Upi ang kanilang mga loose firearms sa isinagawang seremonya nitong Huwebes, Mayo 14, sa South Upi Municipal Gym, bilang bahagi ng pagpapatupad ng Small Arms and Light Weapons-Management Program (SALW-M).
Pinangunahan ng lokal na pamahalaan ng South Upi, katuwang ang Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines, ang programa na layong mapalakas ang kampanya laban sa ilegal na armas at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lugar.
Sa naturang seremonya, iba’t ibang uri ng armas ang boluntaryong isinuko ng mga residente sa pamahalaan. Kasabay nito, tumanggap din ang mga nag surrender ng livelihood assistance bilang suporta sa kanilang panibagong pagsisimula at paghikayat na makiisa sa adhikain ng kapayapaan ng gobyerno.
Ayon sa mga opisyal, bahagi ang SALW-M Program ng mas pinaigting na kampanya upang mabawasan ang paglaganap ng loose firearms sa komunidad at maisulong ang mas ligtas at mapayapang pamumuhay sa lalawigan.

















