‎Sugatan ang isang nurse ng malaking ospital sa lungsod matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Oblate Drive, Barangay Rosary Heights 7, Cotabato City, dakong alas-11:30 ng gabi nitong Sabado, Nobyembre 28.
‎
‎Kinilala ng Cotabato City Police Office ang biktima na si alyas Riz, residente ng nasabing lugar.
‎
‎Batay sa paunang imbestigasyon, pauwi na umano ang biktima mula sa kanyang trabaho sakay ng kaniyang itim at orange na Honda Beat motorcycle nang biglang sumulpot ang suspek o mga suspek na sakay ng itim na Honda XRM at pinaputukan siya nang ilang beses.
‎
‎Nagtamo ng mga tama ng bala ang biktima sa kanang braso at kaliwang pisngi, gayundin ng sugat sa bahagi ng kaniyang balakang.
‎
‎Agad siyang isinugod ng isang concerned citizen sa CRMC upang malapatan ng lunas.
‎
‎Narekober naman ng Scene of the Crime Operatives o SOCO sa pinangyarihan ng insidente ang pitong basyo ng bala at dalawang piraso ng metal fragments na pinaniniwalaang mula sa kalibre 9mm na baril.
‎
‎Isasailalim sa ballistic examination ang mga nakuhang ebidensiya.
‎
‎Nagsagawa rin ng hot pursuit operation ang mga tauhan ng Police Station 2 at iba pang responding units, ngunit hindi na naabutan ang mga suspek.
‎
‎Patuloy pang inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga salarin at hinihingi rin ang mga CCTV footage mula sa mga kalapit na bahay at establisimyento upang makatulong sa imbestigasyon.
‎
‎Samantala, love triangle ang tinitingnang motibo sa pamamaril, ayon sa paunang ulat ng pulisya.