Hindi natinag si Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro sa ipinataw na sanctions sa kanya ng pamahalaan ng China, pati na rin sa kanyang asawa at anak.

Ayon sa Chinese Foreign Ministry, pinagbabawalan ang pamilya ng Kalihim na makapasok sa mainland China, kabilang na rin ang Hong Kong at Macau. Kasabay nito, ipinagbabawal din ang anumang transaksyon at pakikipag-ugnayan sa kanila.

Pero para kay Gilbert Teodoro, malinaw ang dahilan ng hakbang na ito—ang kanyang patuloy na paninindigan at pagsasalita ng katotohanan kaugnay ng isyu sa West Philippine Sea.

Giit ng Kalihim, ipagpapatuloy niya ang kanyang tungkulin at hindi siya matitinag sa anumang uri ng pressure o pagbabanta mula sa ibang bansa.

Matatandaan na noong nakaraang buwan sa isang defense summit sa Singapore, mariing binatikos ni Teodoro ang umano’y iligal na aktibidad ng China sa mga pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.

Sa kabila ng sanctions, nananatiling matatag ang posisyon ng DND at iginiit ang patuloy na depensa sa soberanya ng bansa.