Isinagawa ng Committee on Bangsamoro Justice System ang isang public hearing kaugnay ng Proposed Resolution No. 753 na naglalayong mapalapit ang serbisyong panghukuman sa mga residente ng Special Geographic Area (SGA) ng BARMM. Sa ilalim ng panukala, maaaring magtatag ng mga bagong korte sa SGA o kaya’y ilipat ang hurisdiksyon nito sa mga kalapit na hukuman sa rehiyon.

Sa pagdinig, ibinahagi ng mga kinatawan ng Philippine National Police (PNP) sa SGA na malaking tulong ang pagkakaroon ng mga korte sa lugar upang maging mas mabilis ang koordinasyon sa mga tanggapan ng hudikatura at ang pagproseso ng mga kasong kanilang hinahawakan.

Ipinahayag din ni Regional Public Attorney Servillano Santiago Lorenzo III ng Region XII na handang suportahan ng Public Attorney’s Office (PAO) ang panukala at ipagpatuloy ang pagbibigay ng libreng serbisyong legal sa mga kwalipikadong kliyente.

Samantala, binigyang-diin ni RTC Branch 24 Presiding Judge Christina Haw Tay-Jovero ang kahalagahan ng malinaw na probisyon sa batas hinggil sa anumang pagbabago sa hurisdiksyon ng mga korte upang matiyak ang maayos na pagpapatupad nito.

Nagpahayag din ng suporta ang Bangsamoro General Attorneys Office (BAGO), habang sinabi ni Committee Chair Atty. Suharto Ambolodto na ang panukala ay inaasahang magpapalawak ng access sa hustisya at magpapataas ng tiwala ng publiko sa sistemang panghukuman sa SGA.