Nagkaroon ng bahagyang pagtatalo sa ikalawang araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte matapos kuwestiyunin ng kampo ng depensa ang testimonya ng isang testigo mula sa National Bureau of Investigation o NBI.
Sa pagdinig, iniharap ng prosecution si NBI Cybercrime Investigation Unit Senior Agent John Mark Calilung upang tumestigo kaugnay ng isang screenshot at printout ng pahayag ng Armed Forces of the Philippines na bahagi ng kanilang inihaharap na ebidensya.
Sa pagtatanong ng prosecution, kinumpirma ng testigo na magkapareho ang nilalaman ng screenshot at ng naka-print na dokumento.
Gayunman, kinuwestiyon ng defense counsel na si Atty. Carlo Narvasa ang naging pahayag ng testigo. Ayon kay Narvasa, hindi umano malinaw kung paano natitiyak ng testigo na magkapareho ang dalawang dokumento, lalo na’t hawak na ng kampo ng depensa ang printout nang ibigay ang naturang sagot. Sinabi rin ng abogado na tila sumusunod lamang umano sa isang “script” ang testigo.
Agad namang tumutol ang prosecution sa naturang pahayag. Hiniling ni House prosecutor Atty. Virgil Ligutan sa impeachment court na ipabura sa rekord ang komento ng depensa, at iginiit na sinuri muna ng testigo ang dokumento bago ito ipinasa sa kampo ng depensa.
Sa kabila ng naturang pagtatalo, ipinagpatuloy ng prosecution ang presentasyon ng kanilang mga ebidensya kaugnay ng ikaapat na Article of Impeachment. Kabilang dito ang mga video clip ng umano’y mga pahayag ni Vice President Duterte na sinasabing naglalaman ng mga pagbabanta laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

















