Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang kumakalat na screenshot ng isang online na mensaheng naglalaman umano ng banta ng pamamaril sa mga estudyante ng isang paaralan sa Tampakan, South Cotabato.
Batay sa screenshot na kumakalat sa social media, tinukoy umano sa mensahe ang mga high school student at mayroon ding mga pahayag na tumutukoy sa mga guro at iba pang grade level.
Hindi pa naman nakumpirma ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng nagpadala ng mensahe at kung may kredibilidad ang naturang banta.
Samantala, sinuspinde ang klase sa naturang paaralan bilang pag-iingat habang isinasagawa ang beripikasyon at imbestigasyon sa insidente.
Patuloy namang nakaalerto ang mga school official, mga magulang at mga estudyante habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon.
Pinapayuhan ang publiko na huwag basta magpakalat ng hindi pa beripikadong screenshot o impormasyon na maaaring magdulot ng pangamba sa mga estudyante, guro at kanilang mga pamilya
Hinihikayat naman ang sinumang may impormasyon tungkol sa nagpadala ng mensahe na agad itong ireport sa school authorities o sa mga awtoridad upang maimbestigahan.

















