Dumalo ang tinatayang 15,000 katao sa kick-off campaign ng Bangsamoro Federalist Party o BFP para kay dating Mayor Rafsanjani “Datu Bimbo” Pendatun Ali, kandidato ng partido para sa kinatawan ng 5th Parliamentary District ng Maguindanao del Sur.
Nagmula sa anim na munisipalidad na sakop ng distrito ang mga dumalo sa pagtitipon, kabilang ang ilang lokal na opisyal na nagpahayag ng kanilang suporta sa kandidatura ni Pendatun Ali.
Kabilang din sa mga personalidad na nakibahagi sa aktibidad sina BFP 15th Nominee Member of Parliament Jambo Matalam at dating Congressman Tong Paglas.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Pendatun Ali ang kahalagahan ng pagkakaisa ng mga lider at mamamayan upang maisulong ang mga programa na tutugon sa pangangailangan ng mga komunidad sa distrito.
Itinuturing naman ng kampo ng kandidato ang malaking bilang ng dumalo bilang pagpapakita ng suporta sa kanilang partido at kandidatura.
Bahagi ang naturang pagtitipon ng mga aktibidad ng BFP sa pagsisimula ng kampanya para sa nalalapit na halalan.
Inaasahan ding magpapatuloy ang kampo ni Pendatun Ali sa pag-iikot sa mga komunidad sa 5th District upang ihayag ang kanilang mga plataporma at makausap ang mga botante.

















