Tinamaan ng bala ang isang 41-anyos na driver matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek ang kanyang minamanehong truck sa Picong, Lanao del Sur kagabi Setyembre 9.

Kinilala ng Picong Municipal Police Station ang biktima na si alyas Jun, residente ng Barangay Kalubi, Sultan Naga Dimaporo, Lanao del Norte.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, patungo sana sa Cotabato City ang biktima sakay ng dilaw na forward truck na may plakang NBD 3896 at may kargang tinatayang 750 sako ng semento.

Pagdating sa bahagi ng Sitio Hilltop, Barangay Maganding, habang binabagtas ang Narciso Ramos Highway, bigla umanong pinaputukan ng suspek ang truck gamit ang hindi pa natukoy na armas.

Tinamaan ang biktima sa ibabang bahagi ng kanang binti at agad na dinala sa Dr. Seraphio Montañer Memorial Hospital para sa pagpapagamot.

Samantala, mabilis na tumakas ang suspek at hindi pa natutukoy ang direksyong tinungo nito.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang suspek at motibo sa pamamaril, habang nagsasagawa naman ng hot pursuit at manhunt operation ang Picong MPS, 3rd MP RMFC 1403rd RMFB14-A Platoon at 64th Infantry Battalion ng Philippine Army.