Makakagamit nang libre ng iba’t ibang artificial intelligence (AI) tools ang milyun-milyong “telco customers” ngayong holiday season sa pamamagitan ng AI Fiesta platform.
Sa ilalim ng naturang promo, maaaring gumamit ang mga kwalipikadong subscriber ng iba’t ibang AI tools para sa paglikha ng mga larawan at video, paggawa ng presentations, at pagbuo ng websites nang walang bayad sa itinakdang panahon.
Saklaw ng libreng access ang Globe Circle at Globe Platinum customers mula Nobyembre 15, 2026 hanggang Enero 16, 2027, habang maaaring makinabang ang Globe Prepaid, Postpaid, Broadband at TM subscribers mula Disyembre 1 hanggang 31, 2026.
Inanunsyo ng kompanya ang naturang alok sa Holiday Edition ng programang “The Blueprint by Globe” bilang bahagi ng kanilang Christmas campaign na “Make Your Magic Happen.”
Pinagsama-sama sa AI Fiesta ang iba’t ibang AI models tulad ng Claude, Gemini at ByteDance, kasama ang mga digital content creation tools na maaaring gamitin sa iba’t ibang gawain.
Kabilang sa mga feature ng platform ang Super Fiesta na awtomatikong pumipili ng angkop na AI model batay sa tanong ng gumagamit, habang pinagsasama naman ng Consensus ang mga sagot mula sa iba’t ibang AI models upang makapagbigay ng mas malawak na impormasyon at pananaw sa isang paksa.
Ayon kay Globe President and CEO Carl Cruz, nais ng kompanya na mas mapalawak ang access ng mga Pilipino sa artificial intelligence upang magamit ito sa pag-aaral, trabaho at pagtuklas ng mga bagong oportunidad.
Binigyang-diin ni Cruz na mas nagiging kapaki-pakinabang ang teknolohiya kapag alam ng mga tao kung paano ito gamitin para sa kanilang kapakinabangan.
Samantala, sinabi ni Globe Chief Commercial Officer Darius Delgado na layunin ng pagsasama-sama ng iba’t ibang AI tools sa iisang platform na gawing mas madali para sa mga customer ang paggamit ng naturang teknolohiya sa kanilang pang-araw-araw na gawain.
Sa pamamagitan ng naturang promo, inaasahang mas maraming subscriber ang magkakaroon ng pagkakataong subukan ang iba’t ibang AI-powered applications para sa kanilang personal, akademiko at propesyonal na pangangailangan.

















