Nakauwi na sa Pilipinas ang unang batch ng 34 na overseas Filipino workers o OFWs mula Saudi Arabia sa tulong ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Migrant Workers (DMW), kasunod ng mga kanselasyon at pagkaantala ng mga flight sa Riyadh.
Dumating ang mga ito sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 ngayong araw ng Lunes, Oktubre 19, sakay ng Qatar Airways flight QR934 mula Doha, matapos bumiyahe mula Al Qassim, Saudi Arabia.
Pagdating sa bansa, binigyan sila ng OWWA ng tulong sa paliparan, transportasyon, pansamantalang matutuluyan at pag-aayos ng domestic flights para sa mga magpapatuloy sa kanilang mga probinsya.
Bago ang kanilang pag-alis sa Saudi Arabia, nagbigay rin ang OWWA Riyadh team ng paunang oryentasyon, transportasyon, pagkain, pansamantalang matutuluyan at gabay sa mga kinakailangang proseso.
Ayon kay OWWA Administrator Patricia Yvonne M. Caunan, mahalagang mabigyan ang mga OFW ng agarang tulong, malinaw na impormasyon at katiyakang may umaalalay sa kanila sa panahon ng pangangailangan.
Samantala, inaasahang darating sa Martes, Oktubre 20, ang 65 pang OFW, kabilang ang 50 manggagawa mula Al Qassim at 15 kababaihang OFW na nasa pangangalaga ng Bahay Kalinga at bibiyahe mula Dammam.
Isinasagawa ang pagpapauwi alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na unahin ang kaligtasan at kapakanan ng mga OFW sa ilalim ng Saving Lives pillar ng UPLIFT Assistance Program.
Patuloy ang koordinasyon ng OWWA at DMW, kasama ang Philippine Embassy at Migrant Workers Office sa Riyadh, para maisaayos ang mga susunod na biyahe at matulungan ang iba pang OFW na naghihintay na makauwi.

















