Namahagi na ng mga tseke na nagkakahalaga ng kabuuang P50 milyon ang lokal na pamahalaan ng Cotabato City bilang subsidiya sa mga kolehiyo at unibersidad na benepisyaryo ng programa.
Sa panayam ng Star FM Cotabato, sinabi ni City Mayor Bruce Matabalao na pinakamalaking halaga ang inilaan sa Cotabato State University (CSU) na mahigit P16 milyon, habang mahigit P9 milyon naman ang para sa Notre Dame University.
Ayon sa alkalde, inaasahang matatanggap din ng iba pang kwalipikadong kolehiyo at unibersidad ang kanilang mga tseke sa loob ng linggong ito upang matapos ang pamamahagi ng taunang subsidiya.
Samantala, sinabi ng alkalde na simula sa susunod na taon, babaguhin ang iskema ng programa upang maisama ang mga mag-aaral mula kindergarten, elementarya, high school at kolehiyo. Nakatakda ring simulan ang saklaw ng subsidiya sa buwan ng Hunyo, kasabay ng panahon ng enrollment.
















