Sugatan ang tatlong sundalo matapos mauwi sa panibagong palitan ng putok ang clearing operation ng pinagsanib na puwersa ng pulisya at militar kasunod ng bakbakan ng dalawang pamilyang may matagal nang alitan sa Picong, Lanao del Sur.

Ayon sa ulat ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, nagsimula ang unang armadong engkuwentro dakong alas-8 ng umaga noong Sabado, Nobyembre 7, sa pagitan ng mga miyembro ng pamilya Labao at pamilya Gaosil sa Sitio Badak, Barangay Biosong.

Nag-ugat umano ang sagupaan sa naunang insidente ng pamamaril noong Oktubre 9 sa Barangay Liangan, Picong.

Sa paunang imbestigasyon, nagtungo umano ang mga miyembro ng pamilya Labao sa mga tirahan ng pamilya Gaosil at pinaputukan ang mga ito gamit ang hindi pa matukoy na mahahabang baril, na sinagot naman ng kabilang grupo.

Dakong ala-una ng hapon, habang nagsasagawa ng clearing operation ang pinagsanib na puwersa ng Picong MPS, 2nd Provincial Mobile Force Company, 3rd Maneuver Platoon ng Regional Mobile Force Battalion 14-A at 64th Infantry Battalion ng Philippine Army, pinaputukan umano sila ng mga miyembro ng pamilya Labao na nagresulta sa panibagong palitan ng putok.

Tinatayang tumagal ng walong oras ang naturang sagupaan na ikinasugat ng tatlong sundalo ng 64th Infantry Battalion.

Kinilala ang mga sugatan na sina Pvt. Jude Deligero, na tinamaan sa kanang itaas na bahagi ng braso; Pvt. Cupid Val Masibog Mosque, na nasugatan sa kanang binti; at Pvt. Reymond Padawan, na tinamaan sa kanang balikat.

Agad silang inilikas at dinala sa Dr. Serapio Montaner Memorial Hospital para sa kaukulang gamutan.

Wala namang naiulat na nasawi o nasugatan mula sa panig ng grupo ng pamilya Labao.

Samantala, batay sa pinakahuling update mula sa tagapagsalita ng PRO-BAR, maaari nang daanan ng mga motorista ang national highway sa nasabing lugar matapos ang isinagawang clearing operations.

Patuloy namang naka-deploy sa lugar ang pinagsanib na puwersa ng pulisya at militar upang matiyak ang seguridad ng mga residente at motorista habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente.