Nasawi ang number one most wanted person sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at isa nitong kasamahan matapos umanong makipagbarilan sa mga awtoridad sa bisa ng mga warrant of arrest sa Ampatuan, Maguindanao del Sur, madaling-araw kahapon, Nobyembre 8.

Kinilala ang nasawi na si Amar Sansawi Usman, alyas Akhie Usman at Marhan, na iniuugnay sa Dawlah Islamiyah-Hassan Group. Kasama rin nitong nasawi ang isang lalaking kinilala lamang sa alyas na Syok.

Ayon sa pulisya, dakong alas-5:15 ng umaga nang isagawa ang operasyon sa Sitio Bliss, Barangay Kapinpilan. Nagpakilala umano ang mga operatiba at hinimok ang mga suspek na sumuko, ngunit nagpaputok ang mga ito na nagresulta sa palitan ng putok.

Agad na isinugod sa Bangsamoro Regional Hospital and Medical Center ang dalawang sugatan, subalit kapwa sila idineklarang patay.

Nahaharap si Usman sa maraming kasong kriminal, kabilang ang limang bilang ng murder, tatlong frustrated murder, robbery with violence, robbery with homicide at paglabag sa New Anti-Carnapping Act. Itinuturing din siyang isa sa mga suspek sa pananambang sa mga pulis sa Shariff Aguak noong Marso 28, 2026.

Narekober sa lugar ang isang caliber .45 pistol, mga basyo ng bala at isang homemade Uzi-type submachine gun na may lamang bala.

Pinangunahan ng Maguindanao del Sur Police Provincial Office ang operasyon katuwang ang iba pang yunit ng pulisya at militar.

Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente at pinoproseso ang mga nakuhang ebidensya.