Nasawi ang isang walong taong gulang na bata na angkas sa motorsiklo matapos masangkot sa isang aksidente sa kalsada sa intersection ng General Santos Drive at Sinsuat Street, Barangay Zone IV, Koronadal City, kahapon ng umaga, Nobyembre 10.
Kinilala ang biktima na si Vanessa Cabrera, residente ng Purok Silangan, Barangay Morales, na angkas sa motorsiklo nang mangyari ang aksidente.
Batay sa police blotter ng Koronadal City Police Station Traffic Section, naganap ang insidente pasado alas-6:40 ng umaga sa intersection ng General Santos Drive at Sinsuat Street, Barangay Zone IV.
Sangkot sa aksidente ang isang Yamaha Mio na minamaneho ni Meriam Salan Antiquera, 51-anyos, na lulan din ang batang biktima, at isang Mitsubishi Strada pick-up na minamaneho ni alyas PCpl EJ, 30-anyos, na nakatalaga sa SKPMFC.
Ayon sa paunang imbestigasyon, magkasabay na nakarating sa intersection ang dalawang sasakyan nang mabangga ng harapang bahagi ng pick-up ang kanang bahagi ng motorsiklo.
Nagtamo ng mga pinsala ang driver at angkas ng motorsiklo kaya agad silang isinugod sa South Cotabato Provincial Hospital para sa medikal na atensyon.
Samantala, patuloy pang iniimbestigahan ng pulisya ang insidente upang matukoy ang buong pangyayari.

















