Arestado ang isang 43-anyos na hinihinalang drug personality matapos masamsam sa kaniya ang tinatayang 55 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P374,000 sa ikinasang buy-bust operation sa Barangay Poblacion, Tubod, Lanao del Norte, bandang alas-9:25 ng umaga ngayong Nobyembre 11, 2026.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Boss,” residente ng nasabing lugar.
Pinangunahan ng Regional Police Drug Enforcement Unit Team 4 ang operasyon, katuwang ang iba’t ibang yunit ng pulisya sa lalawigan ng Lanao del Norte.
Bukod sa hinihinalang shabu, nakumpiska rin mula sa suspek ang isang kalibre .45 na baril at apat na bala.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Tubod Municipal Police Station ang suspek habang sumasailalim sa pagsusuri ang mga nakumpiskang droga at baril.
Nahaharap siya sa mga kasong may kaugnayan sa ilegal na droga at paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Ayon kay PRO-10 Regional Director PBGEN Nestor C. Babagay Jr., patuloy na paiigtingin ng kapulisan ang mga operasyong nakabatay sa intelligence upang labanan ang ilegal na droga at iba pang krimen sa rehiyon.

















