Nanawagan ang 602nd Infantry (Liberator) Brigade sa mga sangkot sa insidente ng karahasan sa Sitio Tubak, Barangay Pagangan, Aleosan, Cotabato na igalang ang umiiral na proseso ng kapayapaan upang maiwasan ang panibagong kaguluhan sa lugar.

Sa inilabas na pahayag, kinondena ng pamunuan ng Brigade ang mga naiulat na insidente na nagdulot ng pangamba sa seguridad ng mga residente.

Batay sa paunang salaysay ng mga residente, nag-ugat umano ang kaguluhan sa alitan ng mga indibidwal na kabilang sa magkaibang pangkat ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Kaugnay nito, makikipag-ugnayan ang 602nd Brigade sa MILF-Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities (CCCH) at lokal na pamahalaan ng Aleosan upang maresolba ang sigalot sa pamamagitan ng dayalogo at koordinasyon.

Nanawagan din ang kasundaluhan sa MILF-CCCH na agad tumugon upang mapabilis ang pag-uusap ng mga panig at maiwasan ang paglala o pag-uulit ng insidente.

Tiniyak naman ni BGen. Ricky P. Bunayog, commander ng 602nd Brigade, na nananatiling nakaantabay ang mga sundalo katuwang ang pulisya upang mapangalagaan ang seguridad ng komunidad at papanagutin sa ilalim ng batas ang sinumang mapatutunayang lumabag dito.