Nagdeploy ng mga sundalo ang 33rd Infantry (MAKABAYAN) Battalion sa Sitio Tubak, Barangay Pagangan, Aleosan, Cotabato noong Nobyembre 11, upang matiyak ang seguridad ng mga residente kasunod ng naganap na armadong sagupaan sa lugar.

Ayon sa 33IB, layunin ng deployment na mapigilan ang posibleng panibagong karahasan, mapahupa ang tensyon at maibalik ang kaayusan sa komunidad.

Batay sa paunang impormasyon at mga salaysay ng residente, nag-ugat umano ang kaguluhan sa alitan ng dalawang indibidwal na kabilang sa magkaibang grupo ng Moro Islamic Liberation Front o MILF.

Dahil sa insidente, ilang pamilya ang pansamantalang lumikas bunsod ng pangambang dulot ng kaguluhan.

Patuloy namang minomonitor ng 33IB ang sitwasyon at pinaiigting ang seguridad sa lugar upang maiwasan ang muling pagsiklab ng karahasan at paglala ng tensyon sa mga karatig-komunidad.