Pinagpapaliwanag ni Cotabato City Mayor Bruce Matabalao ang limang gasoline stations sa lungsod matapos umanong makitaan ng discrepancies sa pagpapatupad ng inanunsyong fuel price rollback.

Sa kanyang Facebook post, sinabi ng alkalde na natuklasan ang mga iregularidad sa isinagawang fuel price monitoring ng Inspectorate Team ng lungsod.

Kabilang sa mga binigyan ng notice of closure ang Ace Power sa Mother Tamontaka, Apex Quality Fuels sa Sinsuat Avenue, El Depot sa Ortuoste Street, Petromart Gas Station at Fuel Tank Shell Service Station na kapwa matatagpuan sa TV Juliano.

Binigyan ang mga naturang establisimyento ng limang araw mula sa pagtanggap ng opisyal na abiso upang magpaliwanag at magsumite ng sapat na justification kaugnay ng mga nakitang discrepancy.

Inatasan din ng alkalde ang Business Permits and Licensing Office at Office of the City Legal Officer na simulan ang kaukulang proseso para sa temporary closure at posibleng suspensyon o pagbawi ng Mayor’s Permit, alinsunod sa batas at sa proseso ng due process.

Binigyang-diin ni Matabalao na ipatutupad ang kaukulang parusa sakaling mapatunayang lumabag sa batas ang mga nasabing gasoline stations.