Inaprubahan ng Senado nitong Biyernes ang panukalang P9.4-bilyong pondo ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) para sa mga programa at inisyatiba sa pagpapanatili ng kapayapaan sa bansa sa taong 2027.
Nakalaan ang pondo para sa pagpapatuloy ng mga programang naglalayong tulungan ang mga dating mandirigma, kanilang pamilya at mga komunidad sa ilalim ng iba’t ibang peace process ng pamahalaan.
Kabilang dito ang pagpapatupad ng mga kasunduang pangkapayapaan at normalization process kasama ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF), gayundin ang mga lokal na pakikipag-ugnayan sa mga dating rebelde ng komunistang grupo.
Saklaw din ng pondo ang mga kasunduan sa Cordillera Bodong Administration-Cordillera People’s Liberation Army at Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas–Revolutionary Proletarian Army–Alex Boncayao Brigade.
Bahagi rin ng alokasyon ang mga programang pangkabuhayan at pangkaunlaran, kabilang ang Payapa at Masaganang Pamayanan o PAMANA infrastructure projects sa mga lugar na apektado at bulnerable sa armadong tunggalian sa buong bansa.
Nagpasalamat naman si OPAPRU Secretary Mel Senen Sarmiento sa Senado sa pag-apruba ng pondo, na aniya’y mahalaga upang maipagpatuloy ang mga hakbangin para sa kapayapaan at kaunlaran sa mga komunidad.
Samantala, sinabi ni Sarmiento na patuloy pang humihingi ng karagdagang suporta ang ahensya alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang maisulong ang paglagda sa exit agreement, partikular sa ilalim ng Bangsamoro peace process, bago matapos ang termino ng Pangulo.

















