Pinangunahan ng mismong alkalde ng Talitay, Maguindanao del Norte na si Mayor Datu Sidik Ameril ang ceremonial turnover ng mga isinukong armas galing sa mga residente mula sa siyam (9) na mga barangay nito.

Tinanggap naman ni 601st Unifier Brigade Deputy Commander Army Col. Ricky Bunayog ang mga nasabing armas kahapon, Oktubre 1.

Ayon kay Mayor Ameril, naisakatuparan ang nasabing programa sa pagiging katuwang ng pulisya at militar at pakikipagkaisa naman ng mga mamamayan nito.

Kaugnay nito, nanawagan si Ameril sa mga taong mayroon pang mga armas na hindi dokumentado at nasa kanilang posesyon na isuko na nila ito kung ayaw nila na malagay sila sa kalaboso.

Sa kabilang dako, kinumpirma ni Ameril ang muling pagtakbo nito sa pagiging alkalde upang maipagpatuloy nito ang mga sinimulang pagawain para sa kaunlaran at kapayapaan ng bayan.