Nasabat sa isang buy-bust operation ang tinatayang P1.7 milyon halaga ng hinihinalang shabu at naaresto ang isang drug personality sa Poblacion 5, Cotabato City kahapon Setyembre 29, 2026.
Kinilala ang suspek sa alyas na Ivan/Jehad, 22-anyos, may asawa, magsasaka at residente ng Barangay Kuden, Talitay, Maguindanao del Norte.

Pinangunahan ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA Maguindanao del Norte Provincial Office ang operasyon katuwang ang Cotabato City Police Office-Police Station 1, National Intelligence Coordinating Agency 17, PNP Drug Enforcement Group-Special Operations Unit BAR at City Police Drug Enforcement Unit ng CCPO.
Nasamsam sa operasyon ang limang heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman umano ng shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 250 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P1.7 milyon.
Narekober din ang isang cellphone, buy-bust money, isang itim na belt bag, isang puting plastic bag at isang brown paper bag.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng PDEA BARMM Jail Facility ang suspek para sa kaukulang disposisyon at legal na proseso.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5 o Sale of Dangerous Drugs ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.


















