Nasawi ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa Barangay Lower Salbu, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur, nitong gabi ng Hunyo 20.

Kinilala ang biktima na si Marham Saluddin, residente ng Lambayong, Sultan Kudarat. Ayon sa inisyal na ulat, tinambangan ang biktima habang nasa lugar at nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan.

Bagamat mabilis siyang naisugod sa ospital ng mga rumespondeng tauhan, idineklara na rin siyang dead on arrival.

Matapos ang awtopsiya sa isang punerarya sa Esperanza, Sultan Kudarat, agad inuwi ng kanyang mga kaanak ang bangkay upang mailibing alinsunod sa paniniwalang Islam — kung saan kailangang mailibing ang yumao sa loob ng 24 oras.

Sa ngayon, blangko pa rin ang awtoridad sa motibo sa krimen at sa pagkakakilanlan ng suspek. Nagsasagawa na ng follow-up operation ang mga pulis katuwang ang barangay officials upang matukoy ang may kagagawan ng pamamaril.