Iniimbestigahan na ng Cotabato City Police Office o CCPO ang napaulat na alitan sa pagitan ng isang traffic enforcer at isang driver sa Cotabato City.

Ayon sa paunang ulat, naganap ang insidente bandang alas-6:57 ng gabi noong Marso 28 kung saan nagkaroon umano ng mainit na pagtatalo o “girian” ang dalawang panig na agad umani ng atensyon ng publiko.

Samantala, kasalukuyan nang kumakalat sa social media ang video ng insidente. Sa video na inupload ng isang uploader, makikitang sinuntok ng traffic enforcer ang driver.

Gayunman, hindi pa kumpirmado ng mga awtoridad ang kabuuang konteksto ng naturang video at patuloy pa itong bineberipika bilang bahagi ng isinasagawang imbestigasyon.

Agad namang kumilos ang CCPO upang alamin ang buong detalye ng insidente, matukoy ang pananagutan ng bawat panig, at masiguro na may kaukulang aksyon na ipapataw alinsunod sa umiiral na batas.

Tiniyak ng pulisya sa publiko na hinahawakan nila ang kaso nang may buong seryosidad at patas na pagtingin, habang inaasahang maglalabas pa ng karagdagang impormasyon sa oras na makumpleto ang imbestigasyon.

Kasabay nito, muling pinaalalahanan ng mga awtoridad ang lahat ng motorista at traffic personnel na pairalin ang pasensya, respeto, at propesyonalismo sa kalsada upang maiwasan ang ganitong uri ng insidente.

Sa pahayag ng CCPO, tiniyak nito na ang sinumang mapatunayang may sala ay pananagutin batay sa magiging resulta ng imbestigasyon.