Mas pinalakas pa ang ugnayan para sa kapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front o MILF sa lalawigan ng Maguindanao del Sur.

Ito ay matapos ang isinagawang mahalagang pag-uusap noong Abril 9, 2026 sa Barangay Adaon, kung saan nagkita sina Lieutenant Colonel William G. Sabado, Commanding Officer ng 1st Mechanized Infantry “Lakan” Battalion, at si Commander Shiek Muhiden Usman, Base Commander ng 105th Base Command ng MILF.

Sa naturang pagpupulong, tinalakay ng dalawang panig ang kasalukuyang sitwasyon ng kapayapaan at kaayusan sa kanilang nasasakupan.

Binigyang-diin din ang kahalagahan ng mas mahigpit na koordinasyon at bukas na komunikasyon bilang susi upang mapanatili ang katahimikan at maisulong ang kaunlaran sa mga komunidad.

Ayon sa mga opisyal, patuloy ang pagtutulungan ng pamahalaan at MILF upang masiguro ang pangmatagalang kapayapaan sa rehiyon.