Simula bukas, Pebrero 28, ipagbabawal na sa lungsod ng Cotabato ang backride o riding in tandem na parehas na lalaki, alinsunod sa bagong kautusang inilabas ng pamahalaang lungsod.
Ayon kay Cotabato City Mayor Bruce Matabalao, ang desisyong ito ay resulta ng mga rekomendasyon mula sa sektor ng seguridad at pribadong sektor, na inaprubahan naman ng City Peace and Order Council (CPOC). Layunin ng hakbang na ito na mapanatili ang kaayusan at mabawasan ang mga insidenteng may kaugnayan sa kriminalidad.
Bago ipinatupad ang kautusan, kinonsulta muna ng alkalde si Fiscal Mastura ng CPOC upang tiyakin kung may nilalabag itong batas. Ayon sa piskal, walang legal na hadlang sa pagpapatupad ng regulasyon, lalo pa’t seguridad at kapayapaan ng lungsod ang pangunahing layunin nito.
Bukod sa pagbabawal sa magkaangkas na lalaki sa motorsiklo, ipatutupad na rin simula bukas ang pagbabawal sa pagsusuot ng facemask, hoodie, helmet, o anumang pantakip sa mukha habang nakasakay sa motorsiklo.
Ang mga hakbanging ito ay tugon sa lumalalang pangamba ng publiko ukol sa mga insidente ng krimen kung saan madalas umanong sangkot ang mga riding in tandem.