Pinaigting pa ng Philippine National Police (PNP) ang kampanya nito laban sa smuggling matapos ang magkahiwalay na operasyon sa Negros Oriental at Pagadian City na nagresulta sa pagkakasamsam ng mahigit Php 43 milyong halaga ng pinaghihinalaang smuggled cigarettes at pagkakaaresto sa 11 indibidwal noong Mayo 16 at 17, 2026.
Sa bayan ng Basay, Negros Oriental, nagsagawa ng joint operation ang mga lokal na pulis, maritime personnel, at iba pang law enforcement agencies kung saan naharang ang humigit-kumulang 700 master cases ng umano’y smuggled cigarettes na tinatayang nagkakahalaga ng P40.1 milyon.
Narekober din ng mga awtoridad ang isang motorized boat na pinaniniwalaang ginamit sa transportasyon ng mga kontrabando. Sampung katao ang inaresto at kasalukuyang sumasailalim sa tamang legal na proseso.
Samantala, sa hiwalay na operasyon sa Pagadian City, Zamboanga del Sur, isang suspek ang naaresto matapos makumpiska ng mga operatiba ang 57 master cases ng pinaghihinalaang smuggled cigarettes na may tinatayang halagang mahigit ₱3.2 milyon.
Pinuri ni PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang mga operatibang nagsagawa ng magkakaugnay na operasyon na naging dahilan ng matagumpay na pagkakasamsam ng mga kontrabando.
Ayon kay PGen Nartatez, bahagi ito ng mas malawak na tungkulin ng PNP upang maprotektahan ang ekonomiya ng bansa at masiguro ang maayos na pagpapatupad ng batas laban sa mga ilegal na gawain.
Dagdag pa niya, patuloy na paiigtingin ng PNP ang intelligence-driven at coordinated law enforcement operations sa iba’t ibang panig ng bansa upang mapigilan ang paglaganap ng ilegal na kalakalan.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang mga naarestong suspek habang isinasagawa ang kaukulang dokumentasyon at paghahain ng mga nararapat na kaso laban sa kanila.

















