Naglunsad ng Joint Law Enforcement Support Operation (LESO) ang pinagsanib na pwersa ng militar at pulisya kasunod ng armadong komprontasyon ng dalawang grupo sa Barangay Malingao, Kadayangan, Special Geographic Area-BARMM noong June 5, 2026.

Ayon sa ulat, nagsimula ang tensyon matapos umanong gumanti ang isa sa mga grupo kaugnay ng naunang insidente ng pamamaril noong June 4, na kalaunan ay humantong sa palitan ng putok sa nasabing lugar.

Pinangunahan ang operasyon ng 33rd Infantry Battalion katuwang ang 40th Infantry Battalion, 7th Infantry Battalion, 61st Division Reconnaissance Company, 3rd Cavalry Company, at Kadayangan Municipal Police Station upang pigilan ang paglala ng karahasan at mapanatili ang kaayusan at seguridad ng mga residente.

Isinagawa ang operasyon sa pamumuno ni Lieutenant Colonel Germen T. Legada sa ilalim ng pangangasiwa ni Brigadier General Ricky P. Bunayog.

Sa isinagawang Law Enforcement Support Operation, nakarekober ang mga awtoridad ng ilang matataas na kalibreng armas na pinaniniwalaang ginamit sa armadong komprontasyon.

Dahil sa tumitinding tensyon sa lugar, napilitang lumikas ang ilang residente upang matiyak ang kanilang kaligtasan. Tinatayang nasa 40 pamilya ang pansamantalang sumilong sa covered court ng Barangay Salunayan habang nasa 50 pamilya naman ang nagtungo sa covered court ng Barangay Palomoguen sa bayan ng Midsayap, Cotabato.

Agad namang nagbigay ng tulong at humanitarian assistance ang 33rd Infantry Battalion katuwang ang lokal na pamahalaan at iba pang ahensya upang matugunan ang pangangailangan ng mga evacuee at masiguro ang kanilang kaligtasan at kapakanan.

Patuloy ding nakikipag-ugnayan ang mga awtoridad sa mga lokal na opisyal, community leaders, at iba pang sektor upang mapanatili ang kapayapaan at maiwasan ang panibagong karahasan sa lugar.

Nanawagan naman ang militar at pulisya sa mga sangkot na grupo na pairalin ang pagpipigil at makiisa sa mga hakbang ng pamahalaan upang mapayapang maresolba ang sigalot at mapanatili ang katahimikan sa komunidad.