Matapos ang 23 araw na masusing retrieval efforts, narekober na ng Philippine Coast Guard (PCG) Technical Divers ang apat na bangkay sa loob ng lumubog na barko, kabilang si Hon. Alberto Romoros, Presiding Judge ng Shari’ah Circuit Court sa Jolo, Sulu, gabi ng, Pebrero 17.

Agad na dinala ang mga bangkay sa Zamboanga City para sa tamang pagkilala at maayos na disposisyon.

Dahil sa mga bagong recovery, umakyat na sa 64 ang opisyal na bilang ng mga nasawi sa trahedya.

Nananatiling 293 ang bilang ng mga nakaligtas, habang 17 pa ang nawawala at patuloy na hinahanap sa dagat.

Tiniyak ng PCG na ipagpapatuloy ang operasyon upang mahanap ang lahat ng nawawalang pasahero at mabigyan ng suporta ang mga pamilyang apektado sa insidente.