Isang insidente ng harassment na nauwi sa palitan ng putok ang naitala sa Sitio Kalimbayan, Barangay Maladeg sa Picong, Lanao del Sur bandang alas-10:00 ng umaga kahapon, May 29, kung saan agad itong nirespondehan ng mga awtoridad.
Batay sa paunang imbestigasyon, isang grupo umano mula sa pamilyang Limano ang lumapit sa tirahan ng pamilyang Dipatuan at nagpaputok sa lugar gamit ang hindi pa matukoy na uri ng baril. Dahil dito, nauwi umano sa palitan ng putok ang magkabilang panig na tumagal ng tinatayang lima hanggang sampung minuto.
Agad namang rumesponde ang pinagsanib na pwersa ng Picong Municipal Police Station, katuwang ang iba pang operatiba, upang mapayapa ang sitwasyon at maiwasan ang posibleng paglala ng tensyon sa lugar.
Sa ngayon, wala pang naitatalang nasawi o nasugatan mula sa magkabilang panig.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad para sa pagkakakilanlan ng mga sangkot at posibleng pagsasampa ng kaukulang kaso, kabilang ang hot pursuit operation laban sa mga responsable.
















