Nasabat ng Philippine Coast Guard at Philippine National Police ang nasa mahigit P27.4 milyong halaga ng hinihinalang smuggled na sigarilyo sa isang joint anti-smuggling operation sa Purok Silangan, Barangay Katungal sa Tacurong City, Sultan Kudarat nitong May 28, 2026.
Ayon sa mga awtoridad, isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ng intelligence information kung saan nadiskubre ang mga master cases ng sigarilyo na umano’y itinago sa loob ng isang bodega.
Sa isinagawang operasyon, kinailangan ding magpadala ng karagdagang tauhan at transport assets mula sa Coast Guard District Southern Mindanao upang suportahan ang pagkuha ng mga nakumpiskang kontrabando.
Batay sa paunang imbentaryo, umabot sa 640 master cases ng hinihinalang smuggled cigarettes ang nakumpiska na may tinatayang halagang P27,382,400.00.
Agad na dinala ang mga nakuhang kontrabando sa Police Regional Office 12 para sa safekeeping at kaukulang dokumentasyon.
Patuloy naman ang imbestigasyon at inventory procedures habang sinusubukan ding tukuyin ng mga awtoridad ang may-ari ng bodega at iba pang posibleng sangkot sa ilegal na aktibidad.
Ayon sa PCG, ang matagumpay na operasyon ay patunay ng mas pinatibay na koordinasyon sa pagitan ng PCG at PNP sa ilalim ng kanilang kampanya laban sa smuggling at iba pang ilegal na gawain.
















