Nasa ligtas at maayos na kalagayan si Mayor Ronito L. Martizano ng Barobo, kasama ang kanyang close-in security na si Private First Class Khevin Mark Claridad ng Philippine Army, matapos silang tambangan kahapon ng hapon, Pebrero 3.

Ayon sa ulat ng pulisya, naganap ang pananambang sa Barangay Dughan, Barobo, habang pauwi mula sa Barangay Gamut ang mayor sakay ng kanyang van patungong poblacion. Sinabing hinarang sila ng isang kulay-abong sasakyan at isang motorsiklo na lulan ng mga armadong suspek.

Ginamit ng mga suspek ang .45 caliber pistol at long firearm sa pamamaril bago mabilisan silang tumakas. Sa kabutihang palad, walang nasaktan sa insidente.

Patuloy ang hot pursuit operation ng Barobo Municipal Police Station, katuwang ang iba pang law enforcement units, upang matukoy ang motibo at pagkakakilanlan ng mga suspek. Pinaghigpitan din ang seguridad sa buong bayan bilang precautionary measure.

Nanawagan ang pulisya sa publiko na makipagtulungan at agad na i-report sa pinakamalapit na himpilan ang anumang impormasyon, saksi, o CCTV footage na may kaugnayan sa insidente.

Matatandaan na kamakailan lamang, pinangunahan ni Mayor Martizano ang pagkumpiska ng ilang kagamitan na pag-aari umano ng mga Chinese nationals na sangkot sa illegal mining sa Barangay Tambis, Barobo. Bagamat walang naarestong indibidwal sa operasyon, mariin niyang tinutulan ang ilegal na aktibidad at iginiit na pananagutin sa korte ang mga responsable.