Nananatiling malakas ang Typhoon “DOMENG” habang ito ay patuloy na kumikilos pahilaga-kanluran sa hilagang bahagi ng Philippine Sea, ayon sa pinakahuling weather bulletin.

Batay sa datos, bandang alas-3:00 ng madaling araw ngayong June 1, ang sentro ng bagyo ay namataan sa layong humigit-kumulang 650 kilometro silangan-hilagang-silangan ng Itbayat, Batanes.

Taglay nito ang lakas ng hangin na aabot sa 130 kilometro kada oras malapit sa gitna, na may pagbugsong umaabot sa 160 kilometro kada oras. Kumikilos ito pa-north northwest sa bilis na 15 kilometro kada oras.

Samantala, sa Mindanao at sa rehiyon ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), mararanasan ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may mga pulo-pulong pag-ulan, pagkidlat, at pagkulog bunsod ng localized thunderstorms.

Nagpaalala ang mga awtoridad sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa sa mga lugar na makararanas ng malalakas na pag-ulan, lalo na sa panahong may matinding thunderstorm activity.