Natagpuang nakabigti ang isang 19-anyos na binatang magsasaka sa isang housing area sa Brgy. Sarmiento, Parang, Maguindanao del Norte nitong madaling-araw ng Hunyo 1, 2026.
Kinilala ang biktima sa alyas na Andre, lalaki, walang asawa, at residente ng Sitio Panay, Brgy. Sarmiento ng nasabing bayan.
Batay sa paunang imbestigasyon, dakong alas-12:00 ng hatinggabi ay naiulat na nakainom ng alak ang biktima at inihatid ng kanyang mga katrabaho sa kanyang barracks. Matapos siyang maihatid, umalis na umano ang kanyang mga kasama sa lugar.
Pagsapit ng alas-1:15 ng madaling-araw, isa sa kanyang mga katrabaho ang umano’y nakakita kay Andre na nakabigti gamit ang lubid na nakapulupot sa kanyang leeg. Agad na iniulat ang insidente sa mga awtoridad.
Bandang alas-3:40 ng madaling-araw, nakatanggap ng tawag ang Parang Municipal Police Station (MPS) hinggil sa umano’y insidente ng pagpapakamatay. Nagsagawa naman ng kaukulang pagproseso at dokumentasyon ang mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) upang matukoy ang mga pangyayari at maisagawa ang wastong disposisyon sa labi ng biktima.
Ipinaalam na rin ng mga opisyal ng barangay sa mga kaanak ng biktima na naninirahan sa Pigcawayan, North Cotabato ang nangyari. Inaasahang ipagkakaloob ang labi ng biktima sa kanyang pamilya matapos makumpleto ang dokumentasyon at iba pang kinakailangang proseso ng mga awtoridad.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya upang mabatid ang lahat ng detalye kaugnay ng insidente.
















