Ipinahayag ng Bangsamoro Government ang kanilang pakikiisa sa mga mamamayan ng Basilan at ng buong bansa sa pagdiriwang ng isang makasaysayang tagumpay — ang opisyal na deklarasyon na ligtas na ang lalawigan mula sa presensya ng Abu Sayyaf Group (ASG).

Ayon sa pamahalaang Bangsamoro, ang tagumpay na ito ay hindi lamang pagtatapos ng karahasan sa lugar kundi simula ng bagong yugto ng kapayapaan, pagkakaisa, at pag-asa para sa buong rehiyon.

Nagpahayag din sila ng taos-pusong pasasalamat kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang matatag na pamumuno at patuloy na suporta sa mga programa para sa kapayapaan at seguridad sa Mindanao. Kinilala rin ang presensya nina Special Assistant to the President Antonio Ernesto F. Lagdameo, Jr. at Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity Secretary Carlito G. Galvez, Jr. sa isinagawang deklarasyon sa Basilan.

Pinuri rin ng Bangsamoro Government ang mga mamamayan ng Basilan dahil sa kanilang katatagan, disiplina, at kooperasyon. Bukod dito, kinilala rin ang liderato nina Governor Hadjiman H. Salliman at Congressman Mujiv S. Hataman, pati na ang sipag ng mga lokal na opisyal sa pagpapanatili ng kaayusan sa kanilang mga komunidad.

Nagpugay rin ang pamahalaang rehiyonal sa dedikasyon ng mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police, partikular na ang Basilan Provincial Police Office, Western Mindanao Command sa ilalim ni Lt. Gen. Antonio Navarrete, at ang 101st Infantry Brigade.

Ang deklarasyong ito ay tinuturing na panibagong simula para sa lalawigan — isang pamayanang malaya mula sa takot at puno ng pag-asa para sa mas mapayapang kinabukasan.