Dinalaw ni PRO BAR Acting Regional Director PBGEN Christopher Abecia ang sugatang miyembro ng PNP-Special Action Force o SAF matapos ang naganap na engkwentro sa Lanao del Sur.
Personal na binisita ni PBGEN Abecia si Patrolman Pat Presley Baguiwan ng 45th Special Action Company, 4th Special Action Battalion, na kasalukuyang naka-confine sa Intensive Care Unit o ICU matapos magtamo ng tama ng bala habang nagsisilbi ng warrant of arrest laban sa tatlong suspek sa kasong murder at attempted murder noong Mayo 4 sa Barangay Katogonan, Buadi-Puso Buntong, Lanao del Sur.
Ayon sa PRO BAR, tiniyak ni Abecia ang buong suporta ng organisasyon para sa pagpapagamot at paggaling ng sugatang SAF trooper.
Nagpaabot din ng pakikiramay ang opisyal sa pamilya at mga kasamahan ni Police Corporal Kelvin Dela Cruz Francisco ng 45th SAC, 4SAB, PNP-SAF, na nasawi habang ginagampanan ang operasyon.
Binigyang-diin naman ng PRO BAR ang kanilang patuloy na pagkilala sa katapangan at sakripisyo ng mga pulis na naglilingkod para sa bansa.

















