Naghain ng Manifestation and Motion to Deny Due Course ang Bangsamoro Federalist Party (BFP) sa Commission on Elections (COMELEC) na naglalayong ipabasura ang petisyon ng United Bangsamoro Justice Party (UBJP) para sa akreditasyon bilang Dominant Majority Regional Parliamentary Political Party para sa nalalapit na Bangsamoro Parliamentary Elections.

Sa isinagawang pagdinig ng COMELEC En Banc kahapon, June 10, iginiit ng BFP na hindi umano nasunod ng UBJP ang itinakdang mga patakaran sa paghahain ng kanilang petisyon.

Ayon sa mosyon, inamin umano ng kampo ng UBJP na naipasa nila ang kanilang petisyon at mga kaukulang dokumento noong May 13, 2026. Gayunman, sinabi ng BFP na ang pagbabayad ng kinakailangang docket fees ay naisagawa lamang noong May 16, isang araw matapos ang itinakdang deadline na May 15.

Iginiit ng BFP na mahalagang bahagi ng proseso ng paghahain ng petisyon ang napapanahong pagbabayad ng mga kaukulang bayarin at hindi ito maituturing na simpleng teknikalidad lamang.

Dahil dito, hiniling ng partido sa COMELEC na huwag nang bigyan ng due course ang petisyon ng UBJP at tuluyan itong ibasura dahil sa umano’y kabiguang sumunod sa mga itinakdang alituntunin ng komisyon.

Sa kanilang mosyon, sinabi rin ng BFP na ang pagpapahintulot sa petisyon ng UBJP sa kabila ng late payment ay maaaring magdulot ng paglabag sa mahigpit na mga panuntunan at takdang panahon na itinakda para sa mga election-related proceedings.

Sa ngayon, hinihintay pa ang magiging desisyon ng COMELEC kaugnay sa mosyon na inihain ng Bangsamoro Federalist Party.